-- Advertisements --

Pinatawan ng Amerika ng sanctions si International Criminal Court (ICC) president Tomoko Akane kasama si Abdoulaye Seye, na tumatayong senior trial attorney sa prosecution team na humihiling ng arrest warrant para kay Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu at nanomina para sa eleksiyon bilang ICC judge.

Kinumpirma ito ni US Secretary of State Marco Rubio sa isang statement sa bisa ng executive order ni US President Donald Trump noong nakalipas na taon na nagootorisa sa pagpataw ng mga sanction laban sa korte.

Ipinaliwanag ni Rubio ang pagpataw ng sanctions kina Akane at Seye. Aniya, direktang nakibahagi ang dalawa sa mga pagsisikap ng ICC na mag-imbestiga, mag-aresto, magkulong, o umusig sa mga opisyal na ang gobyerno ay hindi sumang-ayon sa hurisdiksiyon ng ICC.

Kinondena naman ng tribunal ang hakbang ng Estados Unidos at sinabi sa isang statement na kapag pinagbabantaan ang mga kinatawan ng tribunal dahil sa pagpapatupad ng batas, ang mismong international legal order aniya ang nalalagay sa panganib.

Noong nakalipas na taon, pinatawan ng US ang ilan pang opisyal ng ICC kabilang ang mga prosecutor at judge, dahil sa arrest warrant kay Netanyahu, na malapit na kaalyado ni Trump, at kay dating Israeli Defense Minister Yoav Gallant gayundin sa nakalipas na imbestigasyon sa US troops sa Afghanistan.

Kabilang sa mga sanction ng Amerika ay ang pag-freeze sa anumang US assets na mayroon ang mga ICC judges at prosecutors at pagtanggal sa kanila mula sa US financial system, na may malapit na koneksiyon sa halos lahat ng mga bangkong nagooperate internationally.

Naglabas din ang US Treasury ng general license nitong Martes na nagootorisa para sa “wind-down”o unti-unting pagtapos sa mga transaksiyong may kaugnayan kina Akane at Seye hanggang sa Setyembre 17.