-- Advertisements --

Nagkasundo ang Israel at ang grupong Hezbollah sa isang ceasefire sa Lebanon nitong Biyernes, ayon sa isang opisyal ng Estados Unidos, matapos ang panibagong paglala ng bakbakan na nagbanta sa mas malawak na usapang pangkapayapaan sa Gitnang Silangan.

Ayon sa naturang opisyal, na nagsalita sa kondisyon ng anonymity, nagsimulang umiral ang ceasefire dakong alas-4:00 ng hapon sa Lebanon.

“We understand that after the exchange of fire earlier today, Israel and Hezbollah are now in a ceasefire,” ani ng opisyal.

Sinabi rin nito na naging mahalaga ang papel ng mga negosyador mula sa Estados Unidos at Qatar sa pagbuo ng kasunduan, sa tulong na rin ng Iran.

Bago ang kasunduan, sumiklab muli ang bakbakan sa pagitan ng dalawang panig. Ayon sa mga ulat, 18 katao ang nasawi sa mga airstrike sa Lebanon habang apat na sundalong Israeli naman ang napatay sa mga opensibang ginawa ng Hezbollah.

Kasunod ng tensyon sa Lebanon, nakansela rin ang nakatakdang pag-uusap ng Estados Unidos at Iran sa Switzerland nitong Biyernes.

Mahalaga ang naturang negosasyon upang matiyak ang muling pagbubukas ng Strait of Hormuz, isa sa mga pangunahing ruta ng pandaigdigang kalakalan ng langis at iba pang produkto.

Ayon sa isang mataas na mambabatas ng Hezbollah, ipinaabot umano ng Iran sa grupo na hindi maaaring magpatuloy ang pakikipag-usap sa Estados Unidos kung walang komprehensibong tigil-putukan sa Lebanon.

Samantala, hindi direktang tinalakay ng tagapagsalita ng foreign ministry ng Iran ang nakanselang pag-uusap sa Switzerland, ngunit sinabi nitong may direktang pananagutan umano ang Estados Unidos sa mga pag-atake ng Israel sa Lebanon.

Dagdag pa nito, nakahanda ang Tehran na gawin ang lahat ng kinakailangang hakbang upang protektahan ang interes ng bansa.