-- Advertisements --

Sa kabila ng pagpasok ng Bagong Taong 2024 ay hindi pa rin nagbabago ang China sa mga ginagawang aksyon nito sa West Philippine Sea.

Ito ay matapos na buntutan ng dalawang barkong pandigma ng China ang mga barko ng Pilipinas at Estados Unidos sa kasagsagan ng isinasagawa nitong ikalawang joint maritime patrols sa West Philippine Sea.

Sa ulat, limang beses na nagsagawa ng radio challenge ang BRP Ramon Alcaraz sa naturang mga barko ng China nang dahil sa naturang mga aksyon nito, ngunit gayunpaman ay hindi ito nakatanggap ng anumang response mula sa China.

Ang naturang mga Chinese warships ay natukoy ng mga kinauukulan bilang guided missile destroyer Hefei (174) at frigate Huangshan (570) na bumuntot sa BRP Ramon Alcaraz, BRP Gregorio del Pilar, at BRP Davao del Sur.

Samantala, sa kabila ng pagbuntot na ito ng mga barkong pandigma ng China sa mga barko ng Pilipinas ay hindi pa rin ito nakahadlang sa pagpapatuloy ng isinagawang joint maritime patrols ng ating bansa kasama ang Estados Unidos.

Sa naturang joint maritime patrols ng Pilpinas at Amerika sa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas ay nagdeploy ang Philippine Navy ng apat na barko habang ang US Indo-Pacific Command naman ay nagdeploy din ng four vessel flotilla na binubuo ng aircraft carrier, guided missile cruiser, at dalawang destroyers.