Pinasisilip ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers ang intelligence at law enforcement agencies ng gobyerno na magsagawa ng pagsisiyasat kaugnay sa umano’y “creeping invasion” ng mga Chinese sa bansa gamit ang drug money at pagbili ng property.
Ito ay kasunod ng naungkat sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs hinggil sa pagkakakilanlan ng Filipino-Chinese businessman na si Willy Ong na sinasabing nasa likod ng pagpupuslit ng 560 kilos o nasa P3.6 billion pesos na halaga ng shabu sa Mexico, Pampanga.
Ayon kay Barbers, napag-alamang rehistrado ang kumpanya ni Ong sa Securities and Exchange Commission bilang “Empire 999”; nakapagtayo ng gasoline station at nakabili pa ng mahigit apat na ektaryang lupa sa bayan ng Mexico gamit ang Filipino dummies.
Nabunyag din na ang nasabing negosyante ay may hawak din umanong UMID Card at LTO-issued driver’s license at gumamit ng address sa Nueva Ecija ngunit ilang linggo na siyang hindi mahanap ng NBI at PNP.
Paliwanag ng kongresista, nakatatanggap sila ng ulat na hindi lamang sa Pampanga talamak ang pagbili ng lupa at ari-arian ng mga Chinese national na gumagamit ng pekeng credentials at kumukuha ng government-issued IDs.
Napakikinabangan aniya ng mga Chinese ang mga bayarang dummies para maiparehistro ang negosyo sa SEC, DTI at local government units.
Binigyang-diin ni Barbers, na hindi dapat ituring ng gobyerno na isolated case ang nangyari sa Mexico dahil posibleng talamak na ito sa Palawan, Bulacan, Zambales at Davao.
Dagdag pa ng beteranong mambabatas na posible isang araw magising na lang mga Pilipino na nabili at pag-aari na ng Chinese nationals ang Pilipinas.