CAUAYAN CITY – Umabot na sa mahigit 100,000 bagong botante ang nakapagparehistro sa Commission on Election (COMELEC) Santiago City para sa susunod na halalan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Jenny May Gutierrez, Election Officer IV ng COMELEC Santiago City, sinabi niya na mayroon ng 100,028 Voters na naitala sa lungsod simula noong unang araw ng Oktubre hanggang sa 29 ng Disyembre taong 2020.
Nadagdagan pa ito ng 1,185 voters nang muling tumanggap ng magpaparehistro ang kanilang tanggapan noong Enero.
Isa sa nakikita nilang dahilan ng pagdami ng mga botante sa lungsod ay ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman para sa karapatan ng mga botante at marami ring gustong tumira sa Lunsod.
Kaugnay nito ay puspusan ang paghimok nila sa mga residente na magtungo sa kanilang tanggapan upang magparehistro hanggang sa September 31, 2021.
Patuloy ang kanilang tanggapan sa pagpapalakas ng information dissemination campaign sa pamamagitan ng patuloy na pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang media entities maging sa social media.
Sa ngayon ay pinag-aaralan na rin nila magsagawa ng motorcade activity para ipaalam sa mga residente na bukas ang kanilang tanggapan sa pagtanggap ng mga nagpaparehistro.