CAUAYAN CITY- Naitala kahapon sa Isabela ang 39.8 °C na pinakamataas na temperatura sa buong bansa para sa taong 2021.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Chief Meteorologist Ramil Tuppil ng PAGASA DOST na nakahimpil sa Echague, Isabela na kahapon ay naitala sa Isabela State University sa Echague, Isabela ang pinakamataas na temperatura sa buong bansa ngayong taong 2021 na umabot sa 39.8 °C.
Bukod dito ay naitala rin kahapon ang mataas na heat index sa ilang lugar sa region 2 pangunahin na sa Isabela State University sa Echague, Isabela na 44°C habang sa Tuguegarao City nasa 42°C.
Aniya, malaki ang epekto ng mataas na heat index sa mga tao lalo na kung nasa ilalim ng araw dahil mataas ang tsansa ng heat stroke.
Kailangan anyang gumawa ng precautionary measures tulad ng pag-inom ng maraming tubig, iwasang magsuot ng dark colors na damit at umiwas muna sa mga open areas.
Ngayong araw ay naglalaro sa 25-38 °C ang temperatura sa Isabela at ang heat index ay maaring papalo sa 39-45 °C.
Matatandaang halos isang buwan ng walang ulan na nararanasan sa rehiyon kaya mataas ang heat index at temperatura.
Dahil dito, asahan pa rin sa mga susunod na araw ang mataas na temperatura dahil hindi pa rin nakakaranas ang rehiyon ng mga pag-ulan.
Sa ngayon ay wala pa silang nakikitang sama ng panahon subalit ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) ay unti-unti ng tumataas at maaring ito ang magbibigay ng pag-ulan.
Gayunman ay maari pa ring makaranas ng pag-ulan ang lambak ng Cagayan na dulot naman ng localized thunderstorm.
Ayon pa kay Chief Meteorologist Tuppil, walang El Niño sa ngayon dahil papasok na sa neutral condition ang bansa at humuhupa na rin ang La Niña.
Ngayong Mayo naman ay maaring may isa o wala na papasok sa Philippine Area of Responsibility ( PAR) na sama ng panahon.