Patuloy na umanong sinisiyasat ng kampo ni Iraqi Prime Minister Mustafa al-Kadhimi ang intelligence reports kasunod ng drone attack na isinagawa mismo sa kanyang bahay sa Baghdad.
Sa ngayon, maaga pa raw para sabihin kung sino ang nasa likod ng naturang pag-atake sa prime minister habang nasa loob ng kanyang high security green zone sa kabisera ng Iraq.
Hinihintay na rin daw nila ang inisyal na resulta ng isinasagawang imbestigasyon kung sino ang nasa likod ng pag-atake gamit ang drone.
Hiniling naman ni al-Kadhimi na maging kalmado at mahinahon ang lahat kasunod ng naging epekto nito sa naturang bansa.
Una rito, isang drone na mayroong pampasabog ang tumama sa kanyang bahay na ikinasugat ng kanyang anim na bodyguard sa sinasabing tangkang pag-patay sa prime minister.
Ayon sa mga security sources ang tatlong drone attack ay inulunsad malapit sa Republic Bridge sa Tigris River pero ang dalawa ay napigilan ng mga otoridad.
Ang naturang pag-atake ay agad namang kinondena ng Estados Unidos at Iran.
Kung maalala, commercial drones din na mayroong kargang eksplosibo ang ginamit noon ng Islamic State militant group nang atakehin ang northern Iraq o ang battle for Mosul noong 2017.