Nagbabala ang mga biologist mula sa Ateneo de Manila University kaugnay sa pagkakatuklas ng isang uri ng isda na hindi galing sa Laguna de Bay, na maaari umanong banta sa mga lokal na isda sa lawa.
Ang natukoy na isda ay isang Barbonymus schwanefeldii o tinfoil barb sa Barangay Patunhay, Cardona, Rizal noong Setyembre 2024, na karaniwang inaalagaan at makikita lang sa aquarium.
Bagama’t kilala ito sa ornamental fish trade, ito ang kauna-unahang iniulat na may ganitong isda sa mga katubigan ng Pilipinas.
Ayon sa mga siyentipiko, posibleng aksidente o sinadyang pinakawalan ang mga naturang isda sa lawa.
Nabatid na ang tinfoil barb ay likas na matatagpuan sa Timog-Silangang Asya at may kakayahang lumipat-lipat ng tirahan, kaya’t may panganib itong kumalat sa mga ilog na konektado sa lawa.
Dahil sa malawak na sakop ng Laguna de Bay at sa likas na ugali ng isda na kumain ng iba’t ibang pagkain at mag-migrate tuwing tag-ulan, posible rin umano itong maging katunggali sa pagkain at lugar ng mga katutubong isda sa lawa.
Samantala umapela ang mga eksperto sa mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang pagbabantay at impormasyon sa publiko tungkol sa mga invasive species, lalo’t dumarami ang hindi likas na uri ng isda sa mga ilog at lawa sa bansa.