CENTRAL MINDANAO – Sugatan sa pagsabog ang lider ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at patay ang kanyang close-in escort sa pagsabog sa Maguindanao.

Nakilala ang nasawi na si Dhats Amulan habang sugatan naman si Ustadz Karialan.

Ayon kay Abu Jihhad, tagapagsalita ng BIFF-Karialan faction, hinagisan ng granada ang tahanan ni Ustadz Karialan sa isang liblib na lugar sa Maguindanao.

Dahil sa lakas nang pagsabog patay on the spot si Amulan habang sugatan si Karialan.

Kinumpirma rin ni Abu Jihhad na nagtamo ng sugat sa likod si Karialan at hindi na dinala sa pagamutan dahil hindi naman maselan ang kanyang tama.

Dagdag ni Abu Jihhad na hanggang sa kasalukuyan ay palaisipan pa rin sa kanilang grupo kong sino ang naghagis ng pampasabog sa tahanan ng kanilang lider.

Sa ngayon ay walang tinanggap na ulat ang militar at pulisya sa panghahagis ng granada sa bahay ni Ustadz Karialan.