Galing sa mga international na sindikato ang napakaraming spam messages na kasalukuyang natatanggap ng publiko.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni National Privacy Commission (NPC) Commissioner Raymund Liboro na ang mga message na nag-iimbita sa mga phone users na mag-apply sa isang trabaho sa mga kilalang kompanya kapalit ang malaking sahod ay mga scam.
Nang matanong kung posibleng sa mga contact tracing forms nakuha ang mga numero ng mga nakakatanggap ng spam messages na ito, wala pa aniya sa ngayon na direktang ebidensya na makakapagpatunay dito.
Ayon sa NPC official, maaaring nakuha ng mga organized global syndicates ang mga numero ng publiko mula sa ibang pamamaraan.
Nagbabala naman si Liboro sa mga nasa likod ng naturang scam na posibleng maharap sa anim na buwan hanggang sa dalawang taon na pagkakabilanggo o multa na P500,000 hanggang P2 million.
Mas mabigat na parusa naman ang maaring kaharapin ng mga ito kung mas sensitibong impormasyon ang kanilang isisiwalat nang walang pahintulot ng pinagnakawan ng data.