-- Advertisements --

Ibibigay sa limang local government units sa Metro Manila ang 15,000-trial doses ng COVID-19 vaccine na gawa ng Russia na Sputnik V.

Ayo kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, napili ang limang lungsod na ito sa loob ng National Capital Region (NCR) dahil sila ay mayroong akmang cold storage facility para sa Sputnik V vaccine.

Ang mga lungsod na ito ay ang Makati, Taguig, Manila, Muntinlupa, at Parañaque, na pawang makakatanggap ng tig-3,000 doses.

Nabatid na kailangan itago ang Sputnik V vaccines sa storage facility na mayroong -18 degrees Celsius na temperatrura.

Sinabi ni Cabotaje na magsasagawa ng simulations para sa naturang bakuna ang Pamahalaang Lokal ng parañaque katuwang ang private sector.

Ang Makati City LGU naman ay nakipag-ugnayan sa Makati Medical Center para sa deployment ng mga bakuna.

Iginiit ni Cabotaje na maaring iturok ang Sputnik V vaccines sa mga Pilipinong may edad na 18-anyos pataas.

Base sa karanasan ng ibang mga bansa, wala naman aniyang napa-ulat na nakaranas ng side effects.

Sinabi rin nito na ang second dose ng Sputnik V vaccine ay kailangan maibigay 21 araw pagkatapos na maiturok ang first dose.

Samantala, nang matanong naman si Cabotaje kung kailan makakarating ng Pilipinas ang nalalabong 485,000 Sputnik V doses, sinabi niya na dipende pa rin ito sa availability ng naturang bakuna gayundin sa shipping logistics.

Pero inaasahan aniya ng pamahalaan na makakarating ang nalalabing batches ng Sputnik V vaccines sa Pilipinas ngayong Mayor.

Kahapon nang dumating sa Pilipinas ang eroplanong lulan ang trial-order doses ng Sputnik V matapos na maantala ng dalawang beses ang delivery ng mga ito dahil sa issue sa logistics.