-- Advertisements --

Umikot ang atensyon ng pageant community matapos magsilbing miyembro ng Selection Committee si dating Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo sa ginanap na Miss Universe Pakistan 2026.

Naging bahagi si Panelo sa pagpili ng nagwagi sa naturang patimpalak sa grand coronation night noong Agosto 18, kung saan nasungkit ng pambato mula Lahore na si Misbah Arshad ang korona bilang opisyal na kinatawan ng Pakistan sa darating na Miss Universe pageant.

Ang pageant ng Pakistan ay pinatatakbo sa ilalim ng pamamahala ng Yugen Group na nakabase sa Dubai at pinamumunuan ng Filipino entrepreneur na si Josh Yugen bilang national director.

Ang organisasyon ding ito ang may hawak ng mga prangkisa para sa Miss Universe Pakistan, Miss Universe Egypt, at Miss Universe Bahrain, dahilan upang regular na maging bahagi ang ilang kilalang personalidad at eksperto mula sa Pilipinas sa kanilang mga aktibidad.

Kilala si Panelo bilang dating tagapagsalita ng pangulo at chief legal counsel sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bago ang kaniyang naging partisipasyon sa international beauty pageant.