Patay ang isang Indian national matapos makasagupa ang isang pulis habang nasa akto umano ng panghoholdap sa kapwa niya Indian trader sa Bamban, Tarlac nitong Huwebes.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Tarlac PNP, tiyempong napadaan sa lugar si Pol. Corporal Reynante Baga sa Barangay Anupul sa Bamban bandang alas-12:25 ng tanghali at personal na nakita ang insidente kung saan ninanakawan ang isang indibidwal ng dalawang armadong suspek.
Ayon kay Baga, lumapit siya at nagpakilala bilang pulis, kaniyang inutusan ang mga suspek na ibaba ang kanilang mga armas.
Subalit imbes na ibaba ang armas, tinutok ng suspek ang baril sa pulis kaya naman napilitang magpaputok ni Baga.
Napatay ang isa sa mga suspek na kinilalang si Prince Deep Singh, isang Indian national.
Nakatakas naman ang isa pang suspek sakay ng isang motorsiklo.
Ayon sa biktima na si Baljiit Singh, hinoldap siya ng mga suspek at kinuhanan ng P80,000.00 cash.
Naglunsad na ng manhunt operations ang Tarlac PNP laban sa nakatakas na suspek.
Siniguro naman ni PNP OIC Chief, PLt. Gen. Vic Danao, tinutugis na ang nakatakas na isa pang suspek.
Ayon kay Danao, hindi ito ang kauna-unahang insidente na mga Indian nationals ang sangkot sa mga criminal activities.
“Our police investigators are doing case follow-up to identify and arrest the other suspect, this is not the first time that Indian suspects had been reported victimizing fellow Indians who are doing business in the country,” pahayag ni PLt.Gen. Danao.