-- Advertisements --

DAVAO CITY – Sinampahan na ng kaso ang ina na nahuli ng mga otoridad matapos ibinenta ang kanyang anak sa pamamagitan ng pag-post sa online.

Davao bata for sale ng nanay 2

Una nang isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Tagum-Philippine National Police (PNP) kasunod ng report patungkol sa isang babae na nag-post sa Tagum City Business Shop Online kung saan “for sale” ang kanyang sariling anak sa halagang P200,000.

Sa naging pahayag ni Police Major Joselito Tan Jr., officer in-charge ng Tagum-PNP, gumamit ang suspek ng “dummy” account na Bateri Emteh.

Matagumpay namang na-rescue ng kapulisan ang bata at agad na inindorso sa City Social Welfare and Development Office sa Tagum City.

Bago pa man isinagawa ang operasyon, nagkunwari ang pulisya na interesado sila na bibili sa bata kaya nagpadala ito ng mensahe sa suspek.

Nadakip ang ina ng bata sa entrapment operation at sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act (RA) No. 10364 o Anti Trafficking in Person at paglabag sa RA No. 7610 o Special Protection of Child Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.