Inilatag ng mga impeachment managers ang mga pangyayari sa Capitol riot noong Enero 6 na ikinasawi ng limang katao.

Sa ikalawang araw ng impeachment trial kay dating US President Donald Trump, inisa-isa ng mga impeachment managers ang bawat detalye kung bakit nilusob ng mga Trump supporters ang Capitol.

Ipinakita ni California Rep. Eric Swalwell ang Tweet ni Trump isang araw bago nangyari ang pang-aatake.

Sa panig naman ni Colorado Rep. Joe Neguse, na tila inudyukan pa ni Trump ang mga supporters nito para guluhin ang Capitol at saktan ang mga kritiko nito gaya ni House Speaker Nancy Pelosi.

Ilang ulit din na ipinakita ni Virgin Island Rep. Stacey Elizabeth Plaskett ang video ng dating US President na ipinag-giitan nito na siya ang panalo sa katatapos na halalan.

-- Advertisement --

Ikinuwento pa ni Plaskett ang ilang marahas na ginawa ng mga protesters habang sila ay nasa loob ng Capitol sa Washington DC.

Magugunitang kinontra ng mga mambabatas ang naging depensa ng abogado ni Trump na wala sa konstitusyon ang nasabing impeachment kay Trump.