-- Advertisements --

Pinalawig ng Senate impeachment court ang deadline para sa ilang banko sa pagsusumite ng mga bank records ni Vice President Sara Duterte matapos magbaba ang korte ng subpoena para dito.

Ayon kay Senate Presiding Officer Francis ”Chiz” Escudero, pinagbigyan ng korte ang kahilingan ng BDO Unibank at Security Bank na mabigyan pa ng karagdagang 10 araw, Agosto 13, upang makumpleto ang mga dokumentong hindi pa nila naisusumite.

Nabatid na una nang humiling ang BDO ng karagdagang oras upang maihanda ang mga record ng account transactions, ledgers, journals, at transaction logs ng Bise Presidente.

Samantala, sinabi ng Security Bank na hindi pa nito natatapos ang pagpi-print ng mga dokumento kaugnay ng dalawang kompanya dahil sa dami ng record na kailangang iproseso.

Ayon kay Escudero, ang extension ay ipatutupad din sa iba pang mga bangko, ahensya ng gobyerno, at mga tanggapan na sakop ng subpoena.

Nauna nang inatasan ng impeachment court ang BDO Unibank, Philippine Savings Bank, Metropolitan Bank and Trust Company, Security Bank, Land Bank of the Philippines, at Bank of the Philippine Islands na isumite ang financial records ni Duterte bilang bahagi ng impeachment proceedings.

Ngayong araw, Agosto 4, ipagpapatuloy ng prosekusyon ang direktang pagsusuri kay dating dating Audit–Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO) state auditor at Prosecution witness Roderick Wamil, kung saan tatalakayin ang umano’y kakulangan ng mga dokumento sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President, mga hindi tugmang petsa sa acknowledgment receipts, at ang umano’y sobrang P150,000 sa liquidation documents.