NAGA CITY- Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa insidente ng pambabaril-patay sa Iriga City.

Una ng kinilala ang biktima na si Ben John Murcia, 39-anyos, residente ng Zone 5, Tambo, Buhi, Camarines Sur.

-- Advertisement --

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt.Col. Paz Magistrado, Chief of Police ng Iriga City Police station, sinabi nito na hindi pa rin umano matukoy kung ano ang tunay na motibo ng mga suspek hinggil sa naturang insidente.

Kung maaalala, una ng nabatid na habang minamaneho ng biktma ang kaniyang tricycle sakay ang tatlong iba pang mga persona papunta sana sa Iriga City ng bigla na lamang itong pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang mga suspek.

Dinala pa ang biktima sa ospital ngunit dito na ito binawian ng buhay.

Ayon pa kay Magistrado, umaasa umano sila na makakapagbigay ng dagdag na impormasyon ang mga kasama ng biktima para sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek.

Naniniwala rin ang mga otoridad na ang biktima talaga ang puntirya ng mga suspek dahil sinunog na rin umano ang tricycle ni Murcia.

Sa ngayon, isa pa sa tinitingnang anggulo ng mga otoridad na posibleng nagkaroon ng nakaaway o nakainitan ang naturang biktima.