Nagpahayag ng suporta ang dalawang kongresista sa hakbang ng Department of Foreign Affairs (DFA) na imbestigahan ang alegasyon ng iligal na wiretapping sa umano’y pag-uusap ng opisyal ng Chinese embassy at Philippine Navy kaugnay ng bagong kasunduan sa resupply mission sa Ayungin Shoal.
Kapwa sang-ayon sina 1-RIDER Partylist Rep. Rodge L. Gutierrez at Bukidnon Rep. Jonathan Keith T. Flores na siyasatin ng DFA ang sinasabing wiretapped na paguusap ng isang Chinese diplomat at ni AFP Western Command chief Vice Admiral Alberto Carlos.
Naniniwala rin si Gutierrez na hindi makakakuha ng pormal na kasunduan ang China para sa resupply mission sa Ayungin Shoal kaya’t nag-imbento na lamang ng kuwento ang mga ito.
Sinegundahan din ni Flores ang plano ng DFA at muling iginiit na isang ‘bully’ ang China.
Tinuligsa rin nito ang ilang personalidad na tila pumapanig pa sa China sa usapin ng West Philippine Sea.