ILOILO – Nagbabala ang pamahalaang panlalawigan ng Iloilo na pagmumultahin ang mga lalabag sa ipapatupad na curfew hours simula Marso 21.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Iloilo 4th District Board Member Rolando Distura, sinabi nito na mahigpit na pagbabawalang lumabas ng bahay ang lahat ng mga walang importanteng transaksyon simula alas-9:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw.
Ayon kay Distura, sa unang paglabag, P1,000 ang babayarang multa; P2,000 sa ikalawa; at P5,000 at pagkabilanggo sa huli.
Inihayag ni Distura na para naman sa mga empleyado, mas mainam na magdala ng identification card o anumang katibayan na nagtatrabaho sa curfew hours.
Sa nasabi ring oras, pinagbabawalan ang pagbiyahe ng mga pampublikong sasakyan sa buong lalawigan.
Napag-alaman na ang Provincial Ordinance No. 20-220 ay naipasa dahil na rin sa ipinapatupad na travel at border restrictions sa probinsya.
Nalagdaan na ni Iloilo Gov. Arthur Defensor Jr. ang executive order na isailalim sa Enhanced Community Quarantine ang buong lalawigan hanggang Abril 14.