ILOILO CITY – Tinapos na ng More Electric and Power Corporation (More Power) ang higit sa 90 taong monopolya ng Panay Electric Company (PECO) bilang electric power provider sa Lungsod ng Iloilo.
Ito’y matapos pinaboran ni Hon. Emerald Contreras, presiding judge ng Branch 23 ng Ramon Avanceña Hall of Justice ang hiling ng More Power na kunin ang lahat ng mga substation ng PECO.
Matapos kasunod pag-aagawan ng dalawang power distributor sa Lungsod ng Iloilo kung saan limang beses na nag-inhibit ang mga hukom na humahawak sa kaso.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Atty. Alyana Mae Babayen-on, legal counsel ng More Power, sinabi nito na sa bisa ng writ of possession, pormal na nilang kukunin ang ilang mga assests ng PECO.
Ayon kay Babayen-on, isang tagumpay ang resulta ng ibinabang desisyon ni Judge Contreras kung saan pinaboran sila sa kanilang expropriation case.
Kabilang sa mga ari-arian ng PECO na napasakamay ng More Power ay ang kanilang substation sa Baldoza, La Paz, Iloilo City, Gen. Luna, Iloilo City at Tabuc Suba, Jaro Iloilo City na nagkakahalaga ng P217,940,870.
Maliban dito, kukunin rin ng More Power ang mga ari-arian ng PECO na meter lab, power plant building at switchboard house sa Gen. Luna St. Iloilo City Proper na nagkakahalaga ng P14,792,680.
Naging mapayapa naman ang pagsilbi ng writ of possession.