Magbebenta na rin ng ₱20 kada kilong bigas sa Hulyo ang lokal na pamahalaan ng Iligan City bilang bahagi ng “Bente Bigas, Meron Na!” program ng pamahalaan.
Kasunod ito ng pagsunod na rin ng iba pang mga LGU sa bahagi ng Mindanao.
Ayon kay Iligan City Agriculturist Mary Ann Beley, nakatanggap na sila ng kautusan sa pamunuan ng Department of Agriculture para simulan ang programa sa lungsod.
Aniya, ang bigas ay manggagaling sa warehouse ng National Food Authority kung saan nabigyan sila ng inisyal na alokasyon ng bigas na aabot sa 10,000 kilos.
Samantala, sasaluhin ng lokal na pamahalaan ng Iligan ang ₱6.50 na subsidy mula sa presyo na ₱26.50 per kilo na kanilang bibilhin sa NFA.
Magiging priority naman ng programa ang mga bulnerableng sektor katulad ng senior citizen at persons with disabilities .
Aabot naman sa limang kilo kada tao ang magiging alokasyon nila para sa mga mamimili.
Kung maaalala, unang inilunsad ng gobyerno ang P20.00 per kilo na bigas sa Visayas at ilang bahagi ng Luzon bilang bahagi ng pangako noon ni PBBM.