Kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) na pinag-aaralan nilang i-deploy ang Philippine National Police (PNP) at Department of Trade and Industry (DTI) para bantayan ang pagsunod sa nakatakdang price cap sa imported rice.
Ayon kay DA Assistant Secretary Genevieve Guevarra, hinihintay na lamang nila ang executive order para sa implementasyon ng polisiya. Layunin din nitong matiyak na may sapat pa ring kita ang mga retailer kahit ipinatutupad ang presyo cap na tinatayang aabot sa P50 kada kilo.
Kapag may lalabag, maaari aniyang ma-penalize o maaresto ang mga magbebenta ng lampas sa itinakdang presyo.
Gayunman, nagpahayag ng pangamba ang ilang rice retailers, na nagsabing hindi nila kakayanin ang P50 price cap dahil mataas pa rin ang presyo ng kanilang kuha mula sa traders at may mga gastusin pa silang kailangang tustusan araw-araw. (report by Bombo Jai)
















