-- Advertisements --

Inihahanda na ng mga kapulisan ng Makati City ang kaso laban sa dalawang Chinese na naaresto sa isang underground medical facility.

Police Colonel Oscar Jacildo 1
Police Colonel Oscar Jacildo

Sinabi ni Makati City police chief Colonel Oscar Jacildo, walang business permit ang nasabing klinika at maging ang mga Chinese doctor doon ay wala umanong lisensya na mag-practice sa bansa.

Sinasabing hindi lamang mga Chinese na nadapuan ng coronavirus ang ginagamot ng mga ito at sa halip ay maging ibang mga sakit.

Nadiskubre nila ang nasabing iligal na clinic dahil sa isang tip mula sa concerned citizen makaraang may mga bumabara sa kanilang drainage na mga hospital waste.

Bukod sa dalawang Chinese ay mayroon pang apat na iba pa ang nasa klinika na sinasabing pasyente kaya sila ay dinala na sa Makati Health Office.

Magugunitang unang nadiskubre ang isang underground hospital para sa COVID-19 Chinese patients sa Pampanga.