Inilatag ng Department of Education (DepEd) ang ilang ginagawang solusyon sa malawakang classroom backlog, kasabay ng pagsisimula ng Sy 2025-2026.
Ayon kay DepEd Assistant Secretary for Strategic Management Roger Masapol, ang kakulangan sa bilang ng mga silid-aralan ang isa sa mga pangunahing kproblema ng DepEd kaya’t pilit itong tinutugunan ng kagawaran.
Kabilang dito ang pagpapataas sa inilalaang alokasyon sa voucher para sa bawat mga service contracting private schools. Ito ay upang matulungan ang mga private school na ma-accommodate ang mas maraming mag-aaral at hindi labis na magkumulan sa mga public schools.
Pangalawa ay ang pagpili sa mga batang ‘independent learners’ upang ipasok sila sa distance o virtual learning. Dito ay bahagyang napapagaan ang populasyon sa mga silid-aralan habang natututukan pa rin ang lahat ng mga estudyante sa kanilang pag-aaaral.
Bagaman pangunahing gagamitin ang face-to-face class classes, magkakaroon pa rin aniya ng blended learning sa ilang pagkakataon.
Sa kasalukuyan, aabot sa 165,000 ang classroom deficit sa buong bansa habang nagagawa lamang ng pamahalaan na magtayo ng hanggang 1,500 classroom taon-taon, dahil na rin limitadong budget.
Una na ring sinabi ni DepEd Secretary Sonny Angara na papasukin ng gobiyerno ang Public-Private Partnerships (PPP) sa hangaring matugunan ang malawakang backlog sa mga silid-aralan sa buong bansa.
Sa ilalim nito ay ang pribadong sector muna ang magtatayo ng mga classroom at unti-unti itong babayaran ng gobiyerno ng Pilipinas sa loob ng ilang taon.