us SENATE

Umani nang batikos mula sa mga nag-oobserba sa impeachment trial laban kay US President Donald Trump ang ginagawa ng ilang mga senator-judges.

Ilang mga senador kasi ang napuna na natutulog o naidlip sa kabila ng mainit na balitaktakan sa pagitan ng mga House prosecution managers at defense team ng Presidente.

Napansin din ang ilang mambabatas na naglalaro na lamang upang hindi mabagot lalo na at minsan ay inabot ng madaling araw ang sesyon.

Kabilang sa tinukoy na natutulog habang may pagdinig ay sina Idaho Sen. James Elroy Risch at Oklahoma Sen. Jim Inhofe.

Depensa naman ni Senator Risch, nakapikit lamang daw siya at hindi ibig sabihin ay natutulog na siya.

Umaabot naman sa siyam na mga Democrats at 22 Republican senators ang umalis sa kanilang upuan.

Kabilang daw sa mga ito ang mga presidentiables na sina Democratic Senators Bernie Sanders, Amy Klobuchar at Michael Bennet.

Si Republican Senator Marsha Blackburn ng Tennessee ay nakitang nagbabasa na lamang ng libro.

Ang North Carolina Republican senator na si Richard Burr ay namahagi sa kapwa mga senador ng laruan ng bata na fidget spinners upang hindi antukin sa impeachment trial.

Meron namang ilang senador na naglaro na lamang ng crossword puzzles.

Habang palaisipan naman sa ilang nagmamasid kung sino ang nagpalipad ng eroplanong papel sa session hall.