Nangalampag na ang ilang senador para ganap na maibigay ang kabuuang benepisyo para sa health care workers ng ating bansa.
Sa harap ito ng libu-libong medical frontliners na tinatamaan ng COVID-19 sa iba’t-ibang lugar.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, barya na kung tutuusin ang nakalaan para sa medical workers, pero hindi pa rin maipagkaloob.
Pero hindi lang umano barya ang dapat na nakalaan sa mga bayaning health care personnel, lalo na ngayong panahon ng COVID-19 pandemic, kung saan matinding sakripisyo na ang inilalaan ng mga ito para sa kanilang mga pasyente.
Para naman kay Sen. Risa Hontiveros, dapat nang maimbestigahan kung bakit palagi na lang atrasado ang benepisyo ng health frontliners, gayung may batas na hinggil dito.
Base sa Administrative Order No. 35 na inilabas ng Malacañang, pagkakalooban ng dagdag na P3,000 kada buwan ang mga health workers.
Kaya naman, sa inihaing Senate Resolution No. 584 ni Hontiveros, nais nitong magsagawa ng pagdinig ang mataas na kapulungan ng Kongreso, kung sino ang may kapabayaan kaya palaging atrasado ang pagbibigay ng tulong sa mga nagsasakripisyong medical personnel.