Nagtaas ng singil ang ilang salon at barber shops sa muling pagbubukas nila ngayong nasa general community quarantine (GCQ) na ang Metro Manila at iba pang malalaking syudad.

Sa lungsod ng Pasay, nagdagdag ng P20 singil ang ilang barber shops mula sa dating P60 na bayad para sa pagpapagupit.

Pero ayon sa costumer na si Ryan Carbonel, wala silang tutol sa dagdag na bayarin basta matiyak na nasusunod ang health protocols sa mga ganitong establishimento.

Sinabi ni Carbonel na nakasuot naman ng protective suit at naglagay pa ng iba pang proteksyon ang pinuntahan niyang barberya, kaya kontento siya sa ganitong development.

Paalala naman ni Trade Usec. Ruth Castelo, hindi dapat magkaroon ng pag-abuso sa sobra-sobrang paniningil ang mga salon at baber shops kahit sa panahon ng COVID-19 pandemic.

Pero mahalaga aniyang masunod ang minimum health requirements para sa kaligtasan ng mga costumer at ng mga staff ng nasabing mga uri ng negosyo.