LEGAZPI CITY – Napilitan na ang ilang lokal na gobyerno sa Catanduanes na gamitin bilang evacuation center ang ilan sa kanilang quarantine facilities dahil sa dami ng mga lumikas kaugnay ng sama ng panahon na dala ng Bagyong Bising.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Emergency Operations Center Section Chief Bobby Monterola, pumapalo na sa 7,000 pamilya o nasa 27,786 katao ang inilikas mula sa mga lugar na binabaha, prone sa landslide at malapit sa baybayin.
Aminado ang opisyal na kapos pa ang lalawigan sa mga evacuation center dahil karamihan sa mga ito ay nasira ng magkakasunod na bagyong nagdaan noong nakaraang taon.
Subalit tiniyak naman ng opisyal na na-disinfect ng maayos ang quarantine facilities habang sumusunod sa mga health protocols kagaya ng social distancing at pagsuot ng face mask ang mga evacuees.
Samantala, base sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ay mahigit na sa 57,000 katao o nasa 15,000 pamilya ang lumikas sa rehiyon habang 800 naman ang mga stranded na pasahero.














