Lumitaw sa Senate budget debate ang umano’y dobleng alokasyon sa ilang departamento ng pamahalaan, pero nakalaan sa parehong programa lamang.
Sa pagpapatuloy ng debate ng mga senador ukol sa 2021 national budget, ipinakita ni Sen. Nancy Binay na may mga proyekto ang Department of Education (DepEd) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na dalawang ulit pinaglaanan ng pondo.
Halimbawa na lang dito ang “greening program,” kung saan may magkahiwalay na alokasyon ng P5 billion, ngunit pareho lamang pala ang puntirya ng aktibidad.
Ganito rin ang nasilip ng lady senator sa proyekto ng DepEd para sa mga silid aralan.
Tugon naman ni Senate finance committee chairman Sen. Sonny Angara, oobligahin nila ang mga ahensya ng gobyerno na ilagay sa record kung ano ang mga eksaktong proyekto na pinopondohan.
Layunin nitong makita agad kung may nagkakaroon ng duplication sa mga programa ng pamahalaan.