Nagdulot ng malawakang kilos protesta at pagkondina ang naging anunsiyo ni Russian President Vladimir Putin ng panibagong paggalaw laban sa Ukraine.
Nasa mahigit 500 katao na ang naaresto matapos magsagawa ng kilos protesta sa iba’t-ibang bahagi ng Russia gaya ng St. Petersburg.
Napilitang gumamit ng puwersa ang mga kapulisan para itaboy ang nagsagawa ng kilos protesta dahil sa pagtutol sa panawagana ni Putin na magkaroon ng dagdag 300,000 na sundalo para isabak sa Ukraine.
Ilang mga bansa naman ang nagsabi na nagpapakita lamang ng kahinaan si Putin dahil sa nais nitong dagdagan ang puwersa niya sa Ukraine.
Sinabi French President Emmanuel Macron na hindi matanggap ni Putin ang kaniyang pagkatalo sa ginawa nitong pagsakop sa Ukraine.
Habang sinabi naman nina British Prime Minister Liz Truss at European Commission President Ursula von der Leyen ang patuloy ang paghina ng Russia dahil sa panawagan nito ng dagdag pa pagkilos.
Kanilang pinuri ang katapangan ng Ukraine dahil sa hindi sila bumigay mula ng lusubin sila ng Russia noon pang Pebrero.
Nauna ng binatikos rin ni US President Joe Biden sa talumpati nito sa United Nations General Assembly si Putin dahil sa balakin nitong pagsagawa ng pagkilos.