-- Advertisements --

Iba’t ibang celebrities, content creators, at social media personalities ang nag-react kaugnay ng umano’y arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa at sa tensiyong bumabalot sa Senado noong Miyerkules, May 13.

Sa kanyang Facebook My Day, nanawagan ang talent manager at showbiz commentator na si Ogie Diaz kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mamagitan na sa lumalalang sitwasyon sa Senado.

“Nagkakagulo na sa Senado. Nagkabarilan pa nga. Hanggang saan ito patungo bago sumuko ang dapat sumuko? Para sa bayan pa ba ang ginagawa ng mga nasa Senado o para sa mga ipinaglalaban nilang mga kaalyado?” ani Ogie.

Dagdag pa niya, “Nakakahiya na tayo sa ibang bansa. Juice ko, Mahal Na Pangulo, baka puwede ka nang pumasok sa eksena at pumagitna sa nagbabanggaang mga eksenador.”

“Nung araw, ang taas ng tingin ng mga tao sa Senado. Bakit ngayon, parang hindi na? Anyare?” saad niya pa ni Ogie.

Samantala, diretsahang sinabi naman ng beauty queen at TV host na si Joy Barcoma ang kanyang reaksiyon sa nangyayaring kaguluhan sa gobyerno.

“Welcome to the Philippine circus,” ani Barcoma.

Nagbigay rin ng pahayag ang Kapamilya actress na si Janine Gutierrez kaugnay ng mga biktima ng extrajudicial killings.

“Now he’s saying he’s a Filipino and he needs our support. What about all the Filipinos and families that were victims of your EJK? They deserve justice. The Filipino people deserve better,” ani Gutierrez.

Hindi rin napigilang magpahayag ng pagkabahala ni Donny Pangilinan sa sitwasyon.

“Ang lala. Umabot na tayo dito!” ani Pangilinan.

Samantala, sinabi ng actress at host na si Kim Chiu na maiiwasan sana ang kaguluhan kung agad na sumuko ang taong sangkot sa usapin.

“Grabe! Anong nangyayari sa Pilipinas? Bilang normal na Pilipino at nagbabayad ng tamang buwis, sa aking opinyon, walang mangyayaring ganito kung kusang susuko ang taong nagsasabing wala siyang kasalanan,” ani Chiu.

Dagdag pa niya, “Ito ba ang binoto ninyong senador na nagsasabing magsisilbi sa ating bayan? Panahon na para pag-isipan natin na bumoto nang tama.”

Nagbiro naman ngunit may laman ang tanong ni media personality DJ Chacha tungkol kay Dela Rosa.

“Lalabas pa ba si Bato ng Senado o d’yan na magtatago dahil maugong pa rin ang arrest warrant ng ICC?” tanong niya.

Para naman kay award-winning film director Erik Matti, tila isa nang “political theater” ang nangyayari sa bansa.

“The kind of political theater so shameless it almost becomes comedy. But underneath all that was something deeply infuriating,” saad ni Matti.

Nanawagan din si content creator Kervin Lao sa publiko na maging mapanuri sa mga lider ng bansa.

“Gising na, Pilipinas. We deserve better leaders,” ani Lao.

Samantala, hinikayat naman ni content creator Russelle Gee ang kabataan na makialam sa mga usaping pampulitika at panagutin ang mga opisyal ng gobyerno.

“KABATAAN, makinig, makialam, makisawsaw!!!” ani Gee.

“Takot ang gobyerno sa mga matatalinong botante. Takot ang gobyerno sa mga mapagmasid. Takot ang gobyerno sa mga marunong makiramdam. Walang mananahimik hangga’t walang nananagot,” dagdag niya.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng paggamit ng boses para sa kinabukasan ng bansa.

“Stand up and let your voices be heard. Let’s stand for the Philippines. Let’s stand for our future. Para sa mga Pilipino, para sa bansa, at hindi para sa mga pulitiko,” aniya.

Samantala, ibinahagi naman ng pop culture commentator na si Gerry Cacanindin ang kanyang pagkadismaya sa patuloy na kaguluhan sa Senado at sa kakulangan umano ng gobyerno sa mahahalagang serbisyo para sa publiko.

“You can’t give us the healthcare we deserve. You can’t give our children the education they deserve. You can’t give us public transport that won’t crush our souls every day,” saad ni Cacanindin sa kanyang Facebook post.

Binanggit din niya ang mataas na presyo ng kuryente, kakulangan sa flood control projects, mahal na pagkain, at kakulangan sa disenteng trabaho bilang ilan sa mga problemang kinahaharap ng mga Pilipino.

“You just can’t give us anything. Even a working Senate, you can’t give that to us,” dagdag niya.

Tinapos ni Cacanindin ang kanyang mensahe sa panawagang sumuko na si Dela Rosa upang matapos na umano ang kontrobersiya.

“Dear Senators coddling a fugitive. Surrender Bato. Give us a break,” aniya.