-- Advertisements --

DAVAO CITY – Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Tagum City na bibigyan agad nila ng tulong ang mga residente sa anim na barangay sa siyudad na naapektuhan ng malawakang pagbaha dahil sa walang tigil na pag-ulan.

Una nito, inaprubahan ng Tagum City Council ang Resolution 1652 na nagdedeklara ng state of calamity matapos na nagdulot ng malaking danyos ang naranasang pag-ulan.

Sinasabing nasa 30,000 residente sa Tagum ang apektado habang mahigit tatlong milyong piso ang iniwang pinsala ng kalamidad sa agrikultura at imprastraktura

Maliban sa Tagum City, apektado rin ng walang tigil na pag-ulan ang lalawigan ng Davao de Oro kung saan maraming mga bahay din ang binaha at may kasalda rin na nakaranas ng pagguho ng lupa.

Una ng napag-alaman sa Pag-asa (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration) Davao na ang nararanasang mga pag-ulan noong nakaraang linggo ay dulot ng tinatawag na shear line.

Pinayuhan din ng Pag-asa ang mga residente lalo na ang mga naninirahan sa mabababang lugar na mas mabuting manatiling alerto lalo na at mararanasan pa rin ang mga pag-ulan sa susunod na mga araw dahil sa namataang sama ng panahon.