-- Advertisements --

Itinaboy ng mga otoridad ang ilang nagpumilit pa ring makapasok sa mga sementeryo ngayong araw, kasabay ng paggunita ng undas.

Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos, kahit ilang ulit na nilang sinabi na bawal magtungo sa public at private cemeteries, sumubok pa rin ang ilan na makakalusot sa mga nagbabantay.

Sa Sementeryo del Norte ng Maynila, may mga naghanap pa ng lusutan para lamang makapunta sa puntod ng kanilang kaanak o kakilala.

Maging sa iba pang libingan sa mga lalawigan ay ganito rin ang naging sitwasyon.

Sa pagtatanong naman sa ilang nahuling sumasampa sa bakod, kanya-kanya ng katuwiran ang mga ito.

May nagdadahilang hindi nila alam na bawal ang dumalaw ngayong undas, ang iba naman ay nakikiusap dahil galing pa raw sila sa byahe mula sa malayong lugar, habang ang kakatwang rason ng ilan, gusto raw nilang subukan ang paghahanap ng anting-anting sa paniniwalang makakakuha sila ng ganito sa mga libingan.

Gayunman, walang pinagbigyan sa mga ito at pinauwi na lamang sila.

Muling magbubukas ng mga sementeryo para sa mga dadalaw sa darating na Nobyembre 3, 2021.