Nakapagtala ng ilang kaso ng jellyfish sting sa Tondaligan Beach sa Dagupan City kahapon, Easter Sunday.
Dahilan nito, pansamantalang ipinatigil ng mga awtoridad ang pagligo sa nasabing karagatan.
Ilan sa mga biktima ay nakaranas ng allergic reaction at kinailangang dalhin sa ospital.
Ipinaliwanag ng Lifeguard team na karaniwang lumalabas ang mga jellyfish kapag mainit ang panahon.
Ayon pa sa grupo, may naitalang ilang insidente ng near drowning ngunit agad itong natugunan at walang kinailangang isugod sa ospital.
Samantala, hindi umabot sa inaasahang bilang ng mga bisita ang dumagsa sa Tondaligan Beach nitong nagdaang Semana Santa.
Ayon kay Ella Oribello, Team Leader ng lifeguard, hindi naabot ang 50 porsyento ng inaasahang volume ng tao mula pa noong Lunes hanggang kahapon.
Bagamat may ilang bisitang nagmula sa iba’t ibang bayan, nananatiling mas mababa ang bilang kumpara sa mga nakaraang taon kung saan umaabot sa buong kapasidad ang lugar.
Kapansin-pansin din umano ang kakulangan ng mga bisita sa mga cottage area, habang mas maraming tao ang nananatili sa unahang bahagi ng dalampasigan.
Sa kabila ng mas mababang bilang ng mga bisita, nananatiling handa ang mga lifeguards at iba pang ahensya sa anumang sitwasyon upang masiguro ang kaligtasan ng lahat ng nagtutungo sa Tondaligan Beach.
















