Palalaparin umano at huhukayin ang ilang ilog sa lalawigan ng Cavite.
Ito ang isa sa nakikitang pangmatagalang paraan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para maiwasan na ang matinding pagbaha sa nasabing probinsya.
Sinabi ng pangulo na aprubado na ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ang programa.
Sa ilalim ng programa ay palalakihin o palalawakin ang ilang ilog para hindi ito agad aapaw kapag may malakas na pag ulan o kaya ay bagyo.
Sa nangyari aniya sa Cavite at karatig na lalawigan ay nasira ang flood control facility at flood wall kaya pumasok ang tubig sa mga bayan na sumira sa maraming istruktura.
Sa ngayon sinabi ng pangulo na nakauwi na sa kani-kanilang bahay ang karamihan sa mga evacuee.
Para aniya sa mga naiwan pa sa mga evacuation center, patuloy aniyang susuportahan ang mga ito hanggang sila ay makauwi.
Bibigyan din aniya sila ng pinansiyal na tulong pambili ng mga gamit na pang kumpuni o pagpapagawa ng mga nasirang bahay.