-- Advertisements --

Aminado si Dr. Ted Herbosa, special adviser ng National Task Force Against COVID-19, na pati ang mga doktor sa bansa ay hati ang opinyon tungkol sa paggamit ng Ivermectin laban sa coronavirus disease.

Kung si Herbosa raw ang tatanungin, hindi niya pipigilan ang mga indibidwal na gumagamit ng kontrobersyal na anti-parasitic drug pero hindi rin daw niya ito irereseta sa kaniyang mga pasyente.

Mas makabubuti raw kasi na hintayin ang buong datos tungkol sa Ivermectin para malaman kung makakatulong ito bilang pangontra sa nakamamatay na virus.

Aminado si Herbosa na hindi maganda ang laman ng meta-analysis sa Ivermectin dahil shortcut umano ang mga testimonials na nakasaad dito. Ibig sabihin lang nito ay hindi raw ito maituturing na magandang ebidensya sa pagiging epektibo ng gamot.

Aabot aniya ng 70 eksperimento ang ginawa gamit ang Ivermectin laban sa COVID-19 pero hanggang ngayon ay hindi pa rin daw sapat ang mga impormasyon tungkol dito.

Sinegundahan naman ni Vaccine Expert Panel chairperson Dr. Nina Gloriani ang naging pahayag ni Herbosa. Mas makabubuti raw para sa lahat na hintayin muna na makumpleto ang proseso ng pag-aaral sa Ivermectin.

Naniniwala rin si Dr. Gloriani na kayang pagalingin ng Ivermectin ang mga asymptomatic at mild symptoms ng coronavirus.