-- Advertisements --

Pinili ng ilang mga deboto na dumalaw sa mga malapit na simbahan ngayong Semana Santa para sa tradisyunal na pag-obserba ng Visita Iglesia sa gitna ng nararanasang mataas na pasahe bunsod ng krisis sa langis.

Eksklusibong nakapanayam ng Bombo Radyo ang grupo nina Josie Chua sa kanilang pagdalaw sa St. Francis of Assisi Church sa lungsod ng Mandaluyong.

Ayon sa debotong si Josie, matagal na nilang isinasagawa ang Visita Iglesia subalit hindi tulad ng nakalipas na taon na pumupunta pa sila sa malalayong lugar tulad ng Tagaytay, ngayong taon mas pinili nilang dalawin ang pitong simbahan sa Metro Manila dahil na rin sa problema sa langis.

Ibinahagi rin ng debotong si Josie na bahagi ang pagdalaw niya sa mga simbahan ngayong Semana Santa bilang pasasalamat sa biyaya ng buhay matapos ang pagsubok na kaniyang pinagdaanan bilang isang cancer survivor.

Ang Visita Iglesia o pagdalaw sa pitong simbahan bago o tuwing Semana Santa ay bahagi na ng debosyon ng mga mananampalatayang Katoliko upang magdasal, magnilay at alalahanin ang pagpapakasakit ng Pangingoong Hesukristo, na tumubos sa sanlibutan.