-- Advertisements --

Nagbabala ang state weather bureau na posibleng tumama ang matinding heat index sa ilang lugar sa bansa ngayong Miyerkules Santo, Abril 1.

Sa forecast ng weather bureau, posibleng makaranas ang 10 lugar ng pinakamataas na heat index na papalo sa 40 degrees Celsius.

Kabilang dito ang Dagupan City sa Pangasinan; Tuguegarao City sa Cagayan; Coron sa Palawan; San Jose sa Occidental Mindoro; Virac (Synop) sa Catanduanes: Mambusao sa Capiz: Dumangas sa Iloilo; La Granja, La Carlota, Negros Occidental; Catbalogan sa Western Samar at Cotabato City sa Maguindanao.

Ilang lugar din ang posibleng makapagtala ng heat index ng lagpas sa 33 degrees Celsius.

Sa Metro Manila, maaaring makaranas ng heat index na 36 degrees Celsius hanggang 37 degrees Celsius.

Base sa state weather bureau, ang heat index na pumapalo mula 33 degrees Celsius hanggang 41 degrees Celsius ay awtomatikong kinakategorya bilang “extreme caution” o “ibayong pag-iingat.”

Ayon sa weather bureau at Department of Health (DOH), ang antas na ito ay nagpapataas ng panganib ng heat cramps at heat exhaustion, na maaaring humantong sa heat stroke.

Kayat paaalala ng weather bureau sa publiko na limitahan ang outdoor activities, uminon ng maraming tubig, magdala ng proteksiyon at kung nasa labas para sa Visita Iglesia o iba pang aktibidad ngayong Miyerkules Santo, magpahinga sa lilim o sa malamig na lugar.