-- Advertisements --

Mas lumala pa ang sitwasyon ngayon sa Biñan, Laguna kumpara noong nakaraang linggo.

Ayon kay Biñan Mayor Arman Dimaguila, kung noong isang linggo ay inilalabas lang nila sa parking lot ang non-COVID patients, ngayon ay may mga namamatay na habang naghihintay sa ambulansya.

Bunsod umano ito ng umaapaw nang dami ng pasyente sa kanilang mga pangunahing ospital sa lungsod.

Sa ngayon, mahigit 100 pasyente pa rin ang nananatili sa parking lot dahil sa kawalan ng puwesto sa loob ng ospital na mapagdadalhan.

Ayon pa kay Dimaguila, nakikipag-ugnayan naman sila sa One Hospital Command, ngunit pila na rin ang mga pasyente doon na kailangang i-assist.

May mga pagkakataon naman daw na naire-refer ang kanilang mga kababayan, ngunit kapag nalalamang sa private hospital ito dadalhin, umaatras na lang ang pamilya ng mga pasyente.

Samantala, maging ang mga health workers ay nagkakasakit na rin dahil sa duty hour ng ilan na umaabot minsan ng 24 oras.