No show ang ilang mga bus driver na sangkot sa video na kumalat online hinggil sa karerahan ng ilang unit ng GV Florida Transport sa ipinatawag na pagdinig Land Transportation Office.
Ang pagdinig ay pinangunahan ni LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza kung saan tanging mga liaison officers ng GV Florida ang dumating at humarap sa LTO.
Ayon sa opisyal ng kumpanya, tatlo pa lamang sa mga driver ang kanilang natukoy mula sa anim na sangkot.
Hindi naman ito pinaniwalaan ni Asec. Mendoza kayat binigyan lamang ang mga ito ng kalahating oras para matukoy ang identity ng natitirang tatlo.
Sa kabila nito ay nabigo ang LTO na makakuha ng karagdagang impormasyon.
Dahil dito, inaasahan na maglalabas ng desisyon ang LTO batay sa mga nakuhang video sa naturang insidente.
Maaaring maharap ang mga driver nito sa administrative sanctions katulad ng reckless driving at improper person to drive a vehicle.