GENERAL SANTOS CITY – Patuloy pa ang assessment ng mga otoridad sa danyos na dulot ng pagtama ng buhawi sa ilang barangay dito sa lungsod.
Dakong ala-1:00 kaninang madaling araw nang sumama ang panahon, lumakas ang hangin, kumidlat at umulan.
Sa paglilibot ng Bombo patrol, tumambad ang mga sanga at ilang puno ang nabuwal na nagkalat sa mga kalsada sa Barangay Bula at Barangay Lagao, GenSan.
Ilang residente ang nagsumbong na nilipad ng buhawi ang bubong ng kanilang bahay.
Nawalan din ng supply ng kuryente sa nabanggit na mga lugar matapos matumba ang ilang poste.
Sa panayam ng Bombo Radyo GenSan sa nagngangalang Bienvenido Limbo, inihayag nito na nakaugalian na niyang matulog sa kanilang karenderya.
Kanina, nang makarinig ng kakaibang ugong ng hangin kaya nagtago sa gilid ng refrigerator.
Aniya, ang kanyang kotse ay nadaganan ng natuklap na mga bubong ng kanilang kainan at may yero pang tinangay ng malakas na ihip ng hangin.