NAGA CITY- Kinumpirma ngayong gabi ni Naga City Mayor Nelson Legacion ang pangatlong kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Sa naging pahayag ng alkalde, nabatid na isang 59-anyos na babae at residente ng Brgy. Calauag, Naga City ang bagong biktima ng naturang virus.
Una dito, napag-alaman rin na may kaugnayan ang naturang pasyente sa ikalawang nagpositibo at namatay dahil sa nasabing sakit.
Sa kasalukuyan, naka-admit na ito sa Bicol Medical Center sa lungsod ng Naga.
Pinayuhan rin umano ng City Health Officer na i-isolate at isailalim sa quarantine at swab test ang pamilya ng naturang pasyente.
Samantala, patuloy pa rin ang isinasagawang contact tracing ng Naga City Epidemiology and Surveillance Unit habang nagpapatuloy naman ang pagpapatupad ng Extreme Enhanced Community Quarantine sa naturang barangay.