-- Advertisements --

LAOAG CITY – Isa na namang banta ng pagpapasabog ang natanggap ng Mariano Marcos State University (MMSU) Batac Campus partikular sa College of Engineering at ito ay dahil umano sa patuloy na suporta sa pamilya Marcos at dahil sa mga nangyayari sa bansa.

Agad namang nagsagawa ng ocular inspection ang mga miyembro ng Philippine National Police at K9 Units ng Ilocos Norte Police Provincial Office sa nasabing unibersidad.

Ayon kay Dr. Virgilio Julius Manzano, ikinalulungkot niya na nangyayari ito sa unibersidad dahil nakakasagabal ito sa pag-aaral at trabaho.

Sa pagpupulong nila, sinabi nito na napagkasunduan nilang bumuo ng isang unified framework para mapalakas at agad na matukoy kung sino ang nagpapadala ng mensahe.

Aniya, makikipagpulong rin sila sa mga regional at national experts, internet providers, CHED Region 1 at kapulisan upang mabilis na malaman kung sino ang may kagagawan nito.

Hinggil dito, inihayag niya na wala pa silang lead kung sino ang nagpapadala ng mga mensahe lalo na’t madiskarte ang mga suspek na gumagamit pa ng VPN.

Napag-alaman na ito na ang ikaanim na bomb threat na natanggap ng unibersidad kung saan ang una ay noong November 13, 2024 na nagsasabing may itinanim na bomba sa College of Health Sciences, sumunod noong March 3 at target naman ang College of Business, Economics, and Accountancy (CBEA) at College of Agriculture, Food, and Sustainable Development (CAFSD).

Noong Hulyo ngayong taon ay nakatanggap na naman ng unibersidad ng bomb threat at sinabing may itinanim na TIMED explosives sa lahat ng colleges and administration buildings.

Hindi dito nagtatapos dahil noong nakaarang linggo kung saan nagsagawa ang unibersidad ng UniGames at may isang “Kerwin Collado” ng nagkomento sa post ng SIRMATA, at pinag-iingat ang mga mag-aaral ng College of Industrial Technology (CIT) dahil pasasabugin umano ng New People’s Army (NPA) ang lugar, at nito lamang Lunes ay natanggap ng unibersidad ang ikalimang bomb threat at target naman ang College of Teacher Education.

Samantala, dahil dito ay naglabas si Manzano ng memorandum na magpapatupad muna sila ng online classes hanggang Biyernes, at sa mga laboratory clasess naman ay kailangan magsagawa ng panel o inspeksyon ang mga otoridad sa gusali bago magsimula ang klase.