
Kagaya ng mga unang petisyon, hiniling din ng mga petitioners ng ika-23 na petisyon sa Anti Terror Act of 2020 na maglabas ang Supreme Court (SC) ng temporary restraining order (TRO) para pigilan ang pagpapatupad ng naturang batas.
Ayon sa grupong Concerned Lawyers for Civil Liberties na pinangunahan ni dating Vice President Jejomar Binay, ang batas ay taliwas sa ilang probisyon ng 1987 Constitution partikular na umano ang Bill of Rights.
Sinabi ng grupo na “vague” o malabo rin umano kung ano ang mga ipinagbabawal.
Anila, layon din ng kanilang Petition for Certiorary and Prohibition na kwestyunin ang constitutionality ng Anti-Terrorism Law.
Dahil dito ay hiling ng Concerned Lawyers for Civil Liberties sa Korte Suprema na ideklarang “null and void” ang batas at maglabas kasabay ng pagpapalabas sana ng TRO.
Kabilang din sa naghain ng petisyon si dating Sen. Rene Saguisag at Dean Pacifico Agabin kasama ang abogado at dating mambabatas na si Neri Colmemares.
Respondents sa reklamo sina Pangulong Rodrigo Duterte, Executive Sec. Salvador Medialdea at ang Senado at Kamara.
















