Wala umanong naging ”bad reaction” si Vice President Sara Duterte matapos ang ikalawang araw ng Senate impeachment trial noong Martes.
Ito ang ibinahagi ng tagapagsalita ng defense team na si Atty. Michael Poa sa isang pulong balitaan sa Senado ngayong Miyerkules.
Ayon kay Poa, nakausap niya si VP Sara noong Martes ng gabi at sinabi nitong wala siyang nakitang hindi magandang reaksyon mula sa Bise Presidente kaugnay ng naging takbo ng pagdinig.
Dagdag pa ni Poa, patuloy umanong nagpapasalamat si Duterte sa mga miyembro ng defense team sa kanilang ginagampanang tungkulin bilang kanyang mga abogado.
Aniya, bilang isa ring abogado, nauunawaan ni VP Sara ang mga proseso at nangyayari sa loob ng pagdinig.
Sinabi rin ni Poa na wala umanong naging anumang isyu ang Bise kaugnay ng ikalawang araw ng impeachment trial.
Samantala, kanina ay nagtapos ang ikatlong araw ng impeachment trial ng Ikalawang Pangulo kung saan tinalakay nang prosecution at defense panel ang Article IV ng Articles of Impeachment, na tumutukoy sa mga alegasyong pagbabanta umano ni Vp Sara sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at Leyte First District Representative at dating House Speaker Martin Romualdez.
















