Nakapanumpa na ang bagong mahistrado ng Supreme Court (SC) na si Court of Appeals (CA) Associate Justice Priscilla Baltazar-Padilla.
Pinangunahan ito ni Chief Justice Diosdado Peralta at ito ay ginanap kaninang alas-2:00 ng hapon.
Si Padilla ay itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang ika-188 na mahistrado ng Korte Suprema.
Papalitan ni Padilla ang puwesto ng nagretirong si SC Associate Justice Andres B. Reyes Jr.
Bago maitalaga ng presidente sa Korte Suprema, si Padilla ay 14 taong nagserbisyo sa CA.
Si Padilla ay ipinanganak noong Hulyo 2, 1958 at magreretiro sa 2028.
Nagtapos si Justice Baltazar-Padilla na magna cum laude at nanguna sa kanyang klase sa Political Science at Bachelor of Laws degrees sa Lyceum of the Philippines.
Pumasa ito sa 1984 Bar Examinations na ika-lima sa puwesto ay may average na 90.3 percent.
Nagtrabaho ito sa Puno and Associates Law Office.
Taong 1991 kasama ang kanyang asawang si Atty. Venancio Padilla ay nagtayo sila ng kanilang sariling law office.
Noong 1996 naging Presiding Judge siya ng Metropolitan Trial Court Branch 29, Manila hanggang ma-promote bilang Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 38, Manila noong 2000.
Mayo 29, 2006, na-appoint itong CA Associate Justice.
Nagsilbi rin itong Chairperson ng CA Eleventh Division hanggang sa ma-appoint ito sa SC.