Nagpalabas na ang Sandiganbayan ng precautionary hold departure order (PHDO) laban kay Senator Rodante Marcoleta, dating kongresista Mike Defensor, at dalawa pang opisyal kaugnay ng kasong plunder at indirect bribery batay sa findings ng Office of the Ombudsman.
Inisyu ng 7th Division ng anti-graft court ang PHDO nitong Martes, Mayo 26, na kinabibilangan din nina Joseph Varias Espiritu at Aristotle Baluyut Viray.
Ayon sa imbestigasyon, may kaugnayan ang kaso sa umano’y campaign donations na umabot sa P75 million na natanggap ni Marcoleta mula sa mga kapwa akusado.
Batay sa ulat, nagsumite ng kahilingan ang Office of the Ombudsman para sa PHDO noong Mayo 25, isang araw bago ito inilabas ng korte.
Ang PHDO ay pansamantalang nagbabawal sa isang indibidwal na umalis ng bansa habang sinusuri pa ang kaso, kahit wala pang naisasampang pormal na kaso sa hukuman.
Inirerekomenda ng Ombudsman field investigators ang pagsasampa ng kasong plunder sa ilalim ng Republic Act 7080 at paglabag sa Presidential Decree No. 46, na nagbabawal sa pagtanggap ng mga regalo ng mga opisyal ng gobyerno. Inirekomenda rin ang kasong indirect bribery laban kay Marcoleta.
Lumitaw sa imbestigasyon ng Commission on Elections na hindi umano idineklara ni Marcoleta ang naturang campaign donations sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures.
Nabatid na ang P75 million ay umano’y naipadala sa loob ng apat na araw noong Enero 2025 mula kina Defensor, Espiritu, at Viray.
















