Sinabi ni lead defense counsel Atty Nicholas Kaufman na inaasahan na niya ang desisyon ng International Criminal Court na panatilihin ang hurisdiksyon nito sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng crimes against humanity.
Ayon kay Kaufman, hindi na siya nagulat sa desisyon ng Appeals Chamber na ibinasura ang lahat ng apat na ground ng apela ng depensa. Aniya, nauna na niyang binalaan ang dating pangulo na huwag umasa nang labis sa magiging resulta.
Giit pa ng abogado, nasa “existential crisis” umano ang ICC dahil sa mga hamon gaya ng posibleng sanctions mula sa Estados Unidos at kontrobersiyang kinakaharap ng kanilang Chief Prosecutor. Dahil dito, sinabi niyang hindi na rin siya umaasang basta na lang pakakawalan ng korte ang kaso.
Tinawag din ni Kaufman ang dating pangulo bilang “big catch” ng ICC, at iginiit na hindi niya inaasahang palalagpasin ito ng tribunal. Dagdag pa niya, hindi umano ito masyadong mabibigla sa desisyon dahil sa kanyang edad at kondisyon.
Sa kabila ng pagkatalo sa jurisdiction challenge, nananatiling positibo ang depensa at umaasa pa rin na maaaring ibasura ang kaso sa Pre-Trial Chamber. Inaasahang maglalabas ng desisyon ang ICC bago ang Abril 28 kung itutuloy sa paglilitis ang tatlong counts ng crimes against humanity laban kay Duterte. (report by Bombo Jai)
















