Magagamit pa rin ang ilang bahagi ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2, kahit nag-expire na ito noong Hunyo 30, 2021.
Ayon kay Senate committee on finance chairman Sen. Sonny Angara, kabilang sa mga probisyon na may bisa pa rin ang benepisyo ng health workers.
Aniya, iiral pa rin ang utos ng batas na bigyan ang health workers ng pribado at pampublikong ospital ng special risk allowance at hazard pay para sa medical frontliners.
Maging ang pagbibigay sa kanila ng life insurance, libreng accomodation, transportasyon at pagkain ay saklaw din ng batas.
Mananatili namang waive ang lahat ng permit, lisensya, clearance at registration requirements para sa flagship infrastructure projects ng gobyerno na tatagal ito hanggang Setyembre 2021.
Dagdag pa ni Angara, na sa mga private project na mahalaga at magbibigay ng trabaho, iiral din ang waiverpara sa pagkuha ng permit at lisensya maliban sa may kaugnayan sa buwis, border control at batas ukol sa pangkalikasan.
Saklaw din dito ang pagbabawal sa mga pribadong paaralan, kolehiyo at unibersidad na magtanggal ng mga manggagawa sa loob ng siyam na buwan.