KORONADAL CITY – Nananawagan sa ngayon ng hustisya ang pamilya at ang Department of Education sa pagpaslang kay Abdulkadir Sultan, district school supervisor ng President Quirino, Sultan Kudarat ng hindi pa nakikilalang suspek.

Mahigpit din na kinundena ng mga kasamahan nito sa trabaho ang nangyari kay Sultan na binaril-patay habang lulan ng kaniyang itim na Sportivo at papuntang school activity alas-7:55 kahapon ng umaga.

Nakahalf mast rin ang watawat sa paaralan at tanggapan ng opisyal.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Police Col. Noel Kinazo, provincial director ng Sultan Kudarat, nagpapatuloy ang hot pursuit operation ng pulisya sa riding in tandem criminals na nakasakay sa pula na motorsiklo na pumatay sa district supervisor.

Inaalam din nila kung may kaugnayan sa trabaho nito ang motibo sa pagpatay sa biktima.

Nakuha sa crime scene ang walong basyo ng caliber 45 na siyang ginamit sa pagpatay kay Sultan.

Napag-alaman na isang taon na lamang sana at magreretiro na rin sa serbisyo ang biktima.